PFDA, BFAR muling tatanggap ng importers sa ilalim ng FAO 259
Muling tatanggap ang Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ng mga aplikasyon para sa mga qualified importers ng frozen fish at aquatic products sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) - Fisheries Administrative Order (FAO) No. 259 s. 2018.
Sa pangunguna ng PFDA, maaari nang magpasa ng mga kinakailangang dokumento ang mga mang-aangkat para sa pre-qualification registration hanggang ika-20 ng Setyembre, 2021. Para sa kaligtasan ng lahat sa gitna ng pandemiya, hinihikayat ng ahensya ang mga kliyente na magpasa ng mga kinakailangan dokumento online. I-scan lamang ang QR code na nasa larawan o magtungo sa link na bit.ly/PFDAFishImportationRegForm
Ang mga naipasang aplikasyon ay isasailalim sa masusing pagtitiyak ng PFDA. Siguraduhing laging nakaantabay sa kalagayan ng inyong aplikasyon na ipapadala sa pamamagitan ng e-mail, text or tawag sa loob ng tatlong (3) araw.
Higit sa lahat, tiyakin na wasto at tama ang inyong ipapasang aplikasyon dahil ang anumang uri ng falsification o paglabag sa anumang alituntunin ng PFDA ay magpapawalang-bisa sa inyong aplikasyon na maaaring humantong sa kasong kriminal, sibil, o administratibo.
Tulad ng nabanggit, ang bahaging ito ng PFDA ay pre-qualification lamang. Upang maging ganap na importer sa ilalim ng FAO 259, ang mga kliyente na nagnanais mag-angkat ay maaaring makipag-ugnayan sa BFAR para sa mga susunod pang panuntunan na kinakailangang ipasa.
Ang FAO 259 ay naglalayong pataasin ang suplay ng isda at iba pang laman-dagat sa pamamagitan ng pag-angkat ng sapat na dami na kinakailangan ng bansa sa tuwing ipinapatupad ang closed at off-fishing seasons o sa tuwing may kalamidad. Bukod pa rito, layunin ng FAO 259 na mabalanse ang suplay at demand sa mga produktong pangisdaan upang magkaroon ng patas na halaga nang hindi naapektuhan ang mga lokal na producers at mangingisda.
Sa patuloy na pakikipaglaban sa pandemiyang dulot ng COVID-19 virus, patuloy din ang laban ng mga ahensya tulad ng PFDA, BFAR, at DA upang masugpo ang problema ng gutom at kakulangan ng suplay ng pagkain sa bansa. Sa pamamagitan ng pagbubukas ng aplikasyon para sa mga qualified fish importers sa ilalim ng FAO 259, binubuksan din ang pintuan tungo sa sapat na suplay ng pagkain para sa lahat.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa FAO 259, magtungo lamang sa link na bit.ly/FAO259Guidelines