MENU

2

Pagbabakuna kontra COVID-19 virus sa mga economic frontline workers o mga manggagawang kabilang sa A4 priority group ng PFDA-NFPC, umarangkada na!

Sinimulan na ang pagbabakuna kontra COVID-19 virus sa mga economic frontline workers o mga manggagawang kabilang sa A4 priority group ng Philippine Fisheries Development Authority - Navotas Fish Port Complex (PFDA-NFPC) noong ika-7 ng Hunyo, taong 2021.

Sa pagtutulungan ng PFDA-NFPC na pinangungunahan ni NFPC Port Manager Luz P. Ortiz at Navotas City Government sa pamumuno ni Mayor Tobias "Toby" M. Tiangco, tinatayang nasa 500 na A4 essential workers ang nabakunahan sa araw na ito.

 1

PFDA General Manager Atty. Glen A. Pangalan kasama si Navotas City Representative Cong. John Rey M. Tiangco

Ayon kay PFDA General Manager Atty. Glen A. Pangapalan, napakahalaga at napakaganda ng inisiyatibong ito nang sa gayon ay maipagpatuloy ng ating kasamahang mga mangingisda at mga nagtatrabaho sa loob ng ating fish port ang kanilang operasyon at makasigurado tayo na sila ay protektado laban sa COVID-19.

"Sa ating mga kasama sa PFDA, mga kliyente, at mga stakeholders, tayo po ay bahagi ng A4 economic frontliners. Hindi po nakakatakot ang magpabakuna. Ito ay kailangan natin para tuloy tuloy ang ating pagtatrabaho at protektado rin ang ating mga pamilya. Ipapatuloy din po natin ang ating pag-iingat at pagsunod sa health protocols. Sana po ay sa lalong madaling panahon, tayo pong lahat sa PFDA ay mabakunahan na," panawagan ni GM Pangapalan.

Ipinarating naman ni Navotas City Representative Cong. John Rey M. Tiangco ang kaniyang lubos na pagpapasalamat kay GM Pangapalan at Mayor Toby dahil nasimulan na ang pagpapabakuna para sa mga nasa A4 priority group sa PFDA-NFPC.

"Napakaimportante po nito dahil main industry natin ang pangingisdaan at libo-libong tao po ang pumupunta rito araw-araw. Malaking bagay po kung mapapabakunahan kung maaari ang lahat ng pumapasok sa PFDA-NFPC. Atin pong i-take advantage ang pagkakataon na ito. Layunin din po natin magkaroon ng night shift vaccination para na rin sa convenience ng ating mga economic frontline workers upang makita natin ang tuloy-tuloy na pagbabago," ani Cong. Tiangco.

 4

8

Ayon kay Navotas City Health Officer Dr. Christia S. Padolina, napaka-importante na ang ating A4 essential workers ay bakunado upang ating mataguyod ang ating pamilya, ang ating ekonomiya, at ang PFDA-NFPC.

"Napakahalaga na bigyan ng atensyon ang ating A4 dito sa Navotas dahil sila ang ating main source of industry bilang ang Navotas ay ang Fishing Capital of the Philippines kaya naman napaka-importante na lahat ng nagtatrabaho sa PFDA-NFPC ay bakunado. Huwag po tayong mag-alala dahil kapag tayo ay bakunado, tayo ay protektado," paghikayat ni Dr. Padolina.

Ayon kay G. Roderic C. Santos, pangulo ng Association of Fresh Fish Traders of the Philippines, napaka-importante ng pagbabakunang ito lalo na sa mga tulad nilang kasapi ng fishing and marketing industry. Aniya, sa PFDA-NFPC nagtitipon ang mga isdang kalakal na patungong Metro Manila, Luzon, at Southern Luzon kaya naman kailangang kailangan ang bakuna upang bumalik sa normal ang pangangalakal ng isda sa Navotas.

 3

"Para sa mga kliyente ng PFDA-NFPC nagdadalawang isip sa pagpapabakuna, hindi po tayo makaka-recover kung hindi tayo magpa-vaccine. Kailangan po natin magkaroon ng herd immunity lalo't higit dito sa ating lugar ng kalakalan. Sana po ay magpa-vaccine na tayo upang maka-recover na tayong lahat," paghihikayat ni G. Santos.

 6

7

Sa mga susunod na araw, layunin ng PFDA-NFPC at Navotas City LGU na mabakunahan ang nasa mahigit kumulang 19,000 populasyon ng port na binubuo ng mga kawani ng PFDA – NFPC at iba’t ibang mga manggagawa at mga kliyente sa port. Isasagawa ang pagbabakuna sa PFDA-NFPC A4 priority group hanggang Biyernes, ika-11 ng Hunyo. Inaasahan naman na ang ikalawang dose ng bakuna para sa mga nabakunahan ngayong araw ay magsisimula sa ika-5 ng Hulyo, taong 2021.

(Mark Angelo N. Perez – Public Information Division)